Matamis lasapin ang tibay ng demokrasya at tamis ng tagumpay kung ang panalo ng isang kandidato ay mula sa puso ng sambayananng makapangyarihan at dahil ito ay kanilang tunay na kursunada. Subalit kung nanalo lamang ang isang kandidato dahil sa talamak na pamimili ng sagradong boto ng mamamayan, ano ang dapat na ipagmalaki?
Sa kabilang dako, ay nagpapasalamat ang mga lider na mayroong simpatiya sa mga oposisyon at mga mahihirap na nakatanggap ng pera. Kahit papaano daw ay nairaos nila nag kahirapan kahit ilang araw lamang. Nakabili rin sila ng mga gamit sa bahay, bangka, biik, at iba pang pangkabuhayan. Kaya't sila ay natuwa dahil may lumaban pang oposisyon na handang matalo, subalit tumaya ng buhay, sumalungat sa agos at sa matinding tawag ng pagka-opurtunismo na bihira ang may ganitong katangian ngayon.
Kung may mga kababayan man tayo na personal na interes ang naging pakay, marahil ay kahirapan ang nagtulak sa kanila kung kaya't ipinagpalit nila sa kinang ng salapi ang mga kursunada nilang kandidatong mahihirap na walang-wala laban sa mga mayayaman. Mga kapatid sa kahirapan na handang magtanggol buhay man ay iaalay at hindi magkakanulo kasamahan kailanman sa gitna ng laban. Pero kakapusan pa rin marahil sa edukasyon ang dahilan?
Lumahok at nagpakilala ang inyong lingkod sa isang tradisyunal, mapangahas at mapanganib na pamamaraan. Subalit ang kawawang kandidato ng taong bayan ay tila isang sugatang kawal na ipinagtanggol ang demokrasya, naging masigla at malaya ang nangampanya, nadalaw ang dibdib ng masa at napaabot ang katotohanan sa lahat ng dako sa isang matagumpay na "educational tour".
Ako'y nagpapasalamat sa hindi nabayaran na mahigit sa isang libong mamamayan sa Cajidiocan na hindi natakot at nanindigan na mga tunay na lider ng taong bayan.
Patuloy tayong magbantay at mamatyag. Subalit suportahan din ang mga proyekto at magagandang layunin ng ating gobyerno sa harap ng mga pagsubok sa gitna ng krisis sa ating ekonomiya at pulitika. Subalit hangga't hindi nakakamit ng bayan ang kanilang tunay na mithiin... tuloy ang laban habang may pag-ibig pa!