CAJIDIOCAN SAAN KA PUPUNTA?
    (EDGARDO VERCELES)
Kamakailan ay umuwi kami sa Cajidiocan upang makapagpahinga sa aming trabaho sa lungsod, ganoon din upang alamin ang pulso ng bayan sa nalalapit na eleksyon. Ang mga tao ay tahimik at umiiwas na mapag-usapan ang eleksyon sa lokal. Ingat na ingat na huwag ipaalam kung kaninong mga pangalan ng mga kandidato ang isusulat nila sa balota. Ngunit ipinagkanulo ng kanilang mga mata at kilos o "body language ang kanilang magiging desisyon.
Sapagkat may mga nakausap na rin kaming mga kandidato sa barko sa aming pagbiyahe-byahe noon at ganoon din sa Maynila pa lang, nagkaroon na rin kami ng impormasyon kung ano ang mga isyu na naglalabasan na at maaaring maging bantayan ng pagpili ng mga tao sa mga kandidatong iboboto nila. Ito ay kung hindi sila madadala sa ibang klase ng panghihikayat na labas sa mga isyu gaya ng kwarta, pananakot, mga biyayang tinatanggap o natanggap na, at iba pa.
Sa panig ng administrasyon, sila ay nananalig na ang mga proyektong nagawa nila ay magiging daan upang muli silang ibalik ng mga tao sa pwesto. Nangunguna sa mga proyektong ito ang pagsesemento ng kalsada sa ilang barangay bagamat hindi pa tapos, ang pagpapalaki sa gusali ng munisipyo, amg pagpapaganda ng plaza ng poblacion, ang pag-sasaayos ng water supply sa ilang barangay.
Ayon naman sa oposisyon, sa mga nasabing proyekto ay mayroon daw malaking bahagi ng pondo ang nasabit ng kung saan. Kung sabagay, ang ganitong uri ng paratang ay nangyayari din sa mga proyekto sa pamahalaang nasyonal. Ang kailangan lamang ay magpaliwanag at magpakita ng katibayan na walang katutuhanan ang mga paratang.
Ang ibang mga isyu ng oposisyon na nalaman namin ay ang mga sumusunod:

1.  Bakit daw na kailangan na singilin ang mga pasaherong isinakay sa bote          nang panahon hindi makadaong ang M/V Mary the Queen sa pantalan ng         Cajidiocan? Hindi ba ayon sa batas, ang "contract of carriage" na binayaran     sa ticket ay hanggang sa mga pasahero ay maibaba sa kanilang                     patutunguhan?
2.  Bakit daw patuloy ang illegal logging at illegal fishing na hindi naman kaila        sa administrasyon? Kung sabagay, ito ay masasabing hanapbuhay din ng        mga taong talagang mapagkunan ng hanapbuhay. Marahil, kung totoo ang       mga isyung ito ay dapat ding managot ang mga probinsyal o nasyonal na         mga opisyales na hindi nakakagawa ng paraang mabigyan ng hanapbuhay       ang mga taong nasa ganitong uri ng gawain na nakakasira sa kalikasan.
3.  Bakit daw walang kontribusyon sa SSS ang mga tauhan ng arrastre sa                  maraming taon na?
4.  Totoo raw ba na proteksyon money na nanggagaling sa ilang mga German       na nasa Cajidiocan kung kaya hinahanap ng German na putol ang paa ang       isang opisyal ng bayan na umano ay kanyang protektor nang siya ay               mademanda o ma-petisyon sa umano ay pagiging abusado at undesirable        alien.
5.  Bakit daw itong Aleman na ito ay pinanigan o kinampihan ng opisyal na ito       sa halip na ipagtangol ang kanyang mga kababayan?
6.  Bakit daw wala pa ring pagbabago o pag-unlad ang serbisyo ng koryente sa      kabila ng maraming pangako at balita na nakakuha na ng malaking loan o        pondo ang ROMELCO para maisaayos ang serbisyo nila? Totoo raw ba na       may milagrong nangyayari sa pondo?
7.  Saan daw napunta o ano ang nangyari sa ilang daang sako ng abono na           maaring gawing paputok na nagkakahalaga ng daang-daang libong piso na       nakumpiska noon ng munisipyo na napabalitang ibininta sa Masbate at            Otod.
8.  Bakit daw walang share ang Barangay ng Taguilos sa quarry permit ng            kontraktor na kumukuha ng buhangin sa sapa ng Taguilos? Talaga raw             bang may quarry permit at kung sakali wala ay bakit hindi inoobliga ang           kontraktor na kumuha?
9.  Totoo raw ba na ngayon palang ay may mga nangyayari nang bilihan ng           boto na umano ay umaabot na sa P1000 ang isang tao?
10.Totoo rin ba na ngayon pa lang ay may mga listahan na ang mga taong            bibigyan ng libring tiket sa barko pagdating ng araw ng eleksyon na kung         tutuusin ay isa ring uri ng vote-buying na maaring maging dahilan ng                pagkadiskuwalipika ng kandidatong may kagagawan noon?
11.Totoo raw ba na naka-payroll nang palihim sa munisipyo ang ilang                    gumagawa ng personal na gawain ni Meyor?
12. Totoo raw ba na maraming expired na gamot ang itinapon ng munisipyo.
13. At totoo rin ba na pinipili ngayon ang binibigyan ng libreng gamot depende        kung kakampi o kalaban at kailangan pang may order galing kay Meyor.

Sa aming pananaw, natural lamang na maglalabasan ang maraming klase ng isyu sa panahon ng eleksyon. May totoo, mayroon din namang gawa-gawa lamang. May tungkol sa pagganap ng tungkulin at mayroon namang tumutukoy sa mga personal na bagay. May galing sa katarungan na rin ng mga tao na ang mga kandidato lamang ang nagbibigay boses. Sa isang demokrasya, tama lamang na lumabas ang mga isyu sapagkat karapatan ng mga tao na suriing mabuti batay sa mga nasabing isyu kung ang mga taong hahawak ng tungkulin ay may kakayahan at magiging matapat, marangal at mapagkakatiwalaan sa tungkulin.
                   Kayat ang katanungan sa darating na eleksyon:

                  CAJIDIOCAN, SAAN KA PUPUNTA?




back to Editorials