Tunay na napakaganda ng ating kapitolyo, kung ihahalintulad sa christmas tree ay puno ng garbo at mga dekorasyon at marami pang nakabitin na mga regalo at iba't-ibang liwanag, ngunit sa likod nito ay may mga taong naghihirap at hindi malaman kung saan kukuha nang makakain sa umaga at kung makakain naman sa umaga ay hindi malaman kung saan kukuha ng kakanin sa tanghali, ganoon din sa gabi.
Sa boung kasaysayan ng lalawigan ng Romblon ay ngayon palamang nangyari na ang kapitolyo ay sobra ang garbo at mga palamuti na parang hindi naghihirap ang lalawigan. Ang lahat ng tanggapan ay ginawang air-conditioned, may refrigerator at may hot and cold drinking water din bawat isa, ang guest house ay malapalasyo at parang bahay ng isang reyna, sobra ang luho at wala ng makatulad.
Ang mga empleyado sa kapitolyo ay maari nang mag-aral ng masteral o ibang kurso na sagot ng pamahalalang probinsyal pati na gastos sa materyales. Ang dating mahigit sa tatlong-daang empleyado ng probinsya ay dinagdagan na upang maging pitong-daan na lahat at hindi na nga malaman kung saan sila ipu-pwesto o uupo.
Itanong ninyo kung ano ang pangalan at apelyido ng mga empleyado, puro kaanak ito. Malamang ang Romblon ay maging 'private property' na ng Madrona.
Paano kung wala na si Madrona at iba na ang gobernador, saan kukuha ng pampasuweldo ang bagong gobernador? Dahil ang ating probinsya ay nakasalalay lamang sa tinatawag na IRA (Internal Revenue Allotment), paano ang mga kalsada, tulay, kabuhayan at iba pang pangangailangan ng ating lalawigan kung ang kita ay sa sweldo ng empleyado lamang mapupunta? Anong klaseng management ito kung puro pagpaganda lamang ang ating inuuna? Sino ang naging gobernador ng ating lalawigan na nakapagpasok ng empleyadong mahigit tatlong daan? Sinong naging gobernador na kahit naghihikahos ang lalawigan ay nakapagbigay pa ng tig-sasampung libong pisong pamasko bawat isang empleyado? Na ginaya rin ang isang munisipyo.
Ito ang isang desisyon na pangsarili lamang. Paano ang mga proyekto na dapat ay sa lalawigan o bayan? Paano ang kapakanan ng taong bayan? Paano mabibigyan ng solusyon ang kahirapan kung ang kaban ng bayan ay paghahatian lalang ng mga taong munisipyo o kapitolyo? Paano ang kalsada na parang lubluban ng kalabaw?
Ang bayan ng Cajidiocan na may balak pang dagdagan naman ang sweldo ng mga konsehales, mula janitor hanggang mayor. hindi pa ba nasisiyahan ang mga konsehales sa P22,000.00 isang buwan ng walang ginagawa at mag-ilegal logging ng narra? Sana ay tulungan naman ninyo ang mga mahirap niyong mga kababayan. Mababawasan sana ang mahihirap sa pamamagitan ng tulong ninyo bago matapos ang termino ninyo dyan sa munisipyo o kapitolyo.
Ang magandang pamunuan ay hindi sa panlabas na anyo ng inyong gusali kung hindi sa kabuhayan ng taong bayan. Maganda at malaki nga ang inyong gusali, ang nga tao naman ay gutom at walang hanap-buhay, kayo lamang ang busog, nasisiyahan na ba kayo dyan?