KOMENTARYO
Ni Vanz Morente

KARAPATAN NG MAMIMILI SA ROMBLON, IPAGLABAN!

Buwan ng Agosto, kinabibilangan ng panahon ng tag-ulan, panahon ng pagtatanim ng mga punong-kahoy, halamang gamot (herbal plant) at iba pang mahahalagang halaman. Panahon para paghandaan ang muling pagsibol ng inaasahang bagong henerasyon. Kabataang mayroong daratnan na masaganang pagkain, malinis na hangin, tubig at sibilisadong bukas.
Karaniwan sa araw na ito ay may makulimlim na umaga. Sa kadahilanan na ang makakapal na ulap ay nakaharang sa nagpupumilit na sinag ng mainit at maliwanag na araw.
Sa lugar na nasasakupan ng sentrong isla ng Pilipinas (Tablas, Romblon - ayon sa ninunong manlalakbay) ang Odiongan. Sa bayang ito ginanap ang First Romblon Consumers Congress.
Araw ng Huwebes, 23 ng Agosto taong 2001, sa buong cooperation ng DTI Province of Romblon, Region IV, at sa koordinasyon ng Generic Association of the Philippines (GAP) na kinabibilangan ng DOH, DENR, DA at iba pang ahensya ng gobyerno. Sa partisipasyon ng mga estudyante, propesyonal, barangay kapitan at iba pang pinuno ng ating bayan, na ginanap sa Haliwood Inn.
Alas otso ng umaga sinimulan ang inihandang programa. Ipinaliwanag ang karapatan ng ordinaryong mamimiling Pilipino. Ipinaliwanag din ang iba't-ibang uri ng bilihin, mga karapat-dapat na produkto ito man ay pagkain, gamot, mga gamit sa bahay at marami pang iba.
Sa talakayang ito ipinaalam ang sitwasyon at presyo ng mga bilihin sa Pilipinas at ito'y inihambing sa ibang bansa. Aming nalaman at naunawaan na mas mahal sa ating bayan kumpara sa iba. Halimbawa ang generic na klase ng amoxicillin. Sa India ito ay nagkakahalaga lamang ng piso, samantalang sa ating bayan ay mahigit sa limang piso (500mg/capsule). Ang gamot na ito ay isa lamang sa mahahalagang bagay na natalakay.
Pasado alas-kuatro ng hapon matapos magpaliwaag sa ibat-ibang tagapagsalita ng mga ahensya ng gobyerno. Sinimulan ang nasabing open forum. Mga katanungan ng iba't-ibang partisipant kasama na ang kapatid natin sa Romblon Today. Matapos sagutin ang ilang katanungan, isang tagapagsalita ang nag-ulat na lahat ng tanong tungkol lamang sa situwasyon dito sa Romblon.
At dahil naisipan ng inyong lingkod na isulat na lamang ang ibang katanungan ng ating kababayan. Tulad ng wala bang aksyon o magagawa ang gobyerno para ibaba ang presyo ng pangunahing bilihin? Mga taga-ibang bansa ba ang Kapitalista? Sa laki ba ng utang sa ibang bansa hawak sa leeg ang namumuno sa gobyerno? Magkano kaya ang porsyento nila? Sir, Madam, at Doctor, wala ho kaming alam diyan . .. Kayo ho meron? Ahh... meron... merong porsyento? Tapos walang alam???
Bakit sitwasyon sa problema ang kanilang ipinapaliwanag? Di ba mas higit na mahalaga kung solusyon sa problema ang kanilang ipinamamahagi. Tulad ng programang pangkabuhayan, para sa ordinaryong mamamayan, edukasyonng pagkalusugan para maiwasan ang pagkakasakit at pagka-lulong sa ipinagbabawal na gamot, pagtatanim at tamang paggamit ng halamanng gamot para maiwasan ang gastusin sa ipinagbibiling medisina, at higit sa lahat ang mga kagamitan at aklat sa mga eskwelahan para sa mataas na karunungan ng kabataan.
Oki, Doc, DOH, DENR, Sir DECS at iba pang ahensya ng gobyerno. Tulungan natin ang bayan, 'wag mong tulugan... Bangon Romblon, mas maraming may hanapbuhay, mas marami ring namimiling Pinoy. Kababayan palawakin natin ang ating kaalaman, harapin natin ang katotohanan at alamin ang tunay na kalayaan tungo sa muling pagsibol ng bukang liwayway.



back to headlines