DAHIL SA PAG-ABANDONA SA PAMILYA...
KASONG ADMINISTRATIBO ISASAMPA SA MUNICIPAL ENGINEER NG LOOC

Pormal na sasampahan ng kasong administratibo (for Immorality, Serious Misconduct, and Violation of Code of Ethics for Public Officers) ng isang ginang ang ama ng kanyang tatlong anak matapos nitong idulog ang nabanggit na kaso kay Atty. Ramon Solis, Jr. ng Solis, Solis and Solis Law Office na may opisisna sa Quezon City.
Ang sasampahan ng kaso administratibo ay nakilalang si Engr. Renato S. Saludaga, ang municipal engineer ng Looc, Romblon.
Sa panayam na ginawa ng RT Staff kay Pinky (hindi tunay na pangalan), nakilala niya diumano ang suspek sa opisina ng National Irrigation Administration noong Oktobre 1986 bilang Project Engineer ng NIA sa Marigondon Sur Communal Irrigation Project sa San Andres, Romblon at siya naman ay kasama nito bilang Irrigation Community Organizer. Pinangakuan siya diumano ng magandang buhay at nagpakilala pa itong binata kung kaya ay nahulog ang kanyang loob at sila ay naging magkasintahan hanggang sila ay nagkaroon ng apat na anak. (patay na ang isa).
Sinabi pa ni Pinky na dahil sa pambabae ni Saludaga na minsan ay "dinadala pa sa loob ng  bahay" ay nahinto na ang pagsu-sustento nito sa kanyang mga anak mula noong taong 2002 na naging dahilan ngayon ng kakapusan sa mga gastusin ng mga bata sa kanilang pagkain, gamit sa pag-aaral, mga damit at lahat ng pangangailangan sa kanilang pagpapalaki.
Si Renato (dayo lamang sa Romblon mula sa Samar) ngayon ay may kinakasamang "katulong" diumano noong sila ay maghiwalay habang nagtratrabahong municipal engineer ng Looc, Romblon kung kaya't sinampahan niya ng kaso.
Ang kasong administratibo ay dadaan muna sa Sangguniang Bayan ayon sa bagong resolusyon mula sa Civil Service Commission at inaasahang aaksyunan naman ito sa lalong madaling panahon.