ODIONGAN NAGLUKSA KAY
DELEGATE MANNY FESTIN MARTINEZ
Odiongan, Romblon - Nagluksa ang Odiongan, ang pinakamalaking bayan ng Romblon sa pagkamatay ng kanilang iniidolong si Ex- Concon delegate Manuel "Manny" Festin Martinez, isang manunulat at semenarista.
Si Manny ay nag-aral sa Pamantasan ng Silangan (UE), naging editor-in chief ng pahayagang The DAWN ng nabanggit na pamantasan, naging miyembro ng staff at naging speech writer ni dating senador Benigno 'Ninoy' Aquino.
Taong 1971 nang ang magiting na anak ng Odiongan ay naging kandidato at nanalo bilang delegado ng ating lalawigan kasama si Ernesto Gaytano Ang sa naging kontrobersyal na Constitutional Convention (Con-con) na kung saan si dating Presidente Marcos ay naging diktador.
Noong kasagsagan ng diktadurang rehimeng Marcos, si Manny Martinez ay pumasok sa semenaryo at nagsulat ng libro na pinamagatang " The Grand Collision: Aquino vs Marcos".
Matapos ang EDSA People Power, siya ay lumabas ng semenaryo taong 1986 at matapos patasikin ng sambayanang Pilipino si Marcos sa pamamagitan ng EDSA Rebolusyon, siya ay nahirang na Deputy Secretary of Political Affairs ni dating Presidente Corazon Aquino.
Kumandidato rin si Ginoong Mrrtinez noong 1987 upang muling maglingkod bilang Kongresista sana subalit natalo ni dating Cong. Jun Beltran at hindi na muling pang bumalik sa Romblon at nagtangka sa politika. Siya ay nagsulat na lamang ng isang pang libro, (The Assasinations). Hindi pa alam ng manunulat na ito kung ito ay nakaabot sa palimbagan. Subalit siya ay patuloy sa panulat bilang isang regular na kolumnista sa Manila Times at kalaunan ay sa People's Journal aksama ni Dennis Fetalino ng Odiongan, Romblon, ang Associate Editor ng People's Journal sa Kasalukuyan. CTM