Inorganisa ang pahayagang Romblon Today sa layuning makapagbibigay ng tama at tunay na serbisyo at impormasyon sa bawat mambabasa sa pangarap na pagkakaisa, katotohanan at kaunlaran sa probinsiya ng Romblon.
Subalit ang natatanging ilaw ng demokrasya na tulad sa isang liyab ng sulo ay aandap-andap na sa gitna ng dilim ng kasinungalingan. Ngayon na kailangan ipakita ang inyong suporta sa aming maliliit na pamamaraan maitawid lamang ang malayang pamamahayag. Patuloy nating tangkilikin ang pahayagang ito na bukod tanging lumalaban tulad ni David sa gitna ng kawalang pag-asa at panganib.
Aasahan pa ring ang papel na ito ang maglalantad sa bayan upang isakatitik ang hindi kayang isulat ng iba sa saligwat na interes ng mga naghaharing uring indibidwal at mga pulotiko na gustong tumunaw sa isang paninindigang makabayan ng walang halong pulitika.
Kung nagiging balakid lamang ang ilang mga kasama sa pahayagang ito tulad sa isang anay na sisira sa pundasyong hinubog na ang tatag ng panahon, ang kanilang ambag ay isang malaking bahagi na lamang sa pagkabuo ng isang dakilang laban. Subalit ang mga natitira na hindi natatakot lumaban hanggang ngayon ay magpapatuloy pa rin sa pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag dahil ito ay isang mahalagang puwersa na magsisilbing salamin ng buhay sa anumang pakikibaka.
Aasahang ang Romblon Today ay lalo pang titingkad at papalaot sa sinapupunan ng sambayanang patuloy na naghahanap ng masasandigan upang sa panulat man lamang ay mailuwal ang isang lipunang wala ng uri.
Sa tulong ninyo, lalo pa rin itong magiging matibay na kalasag ng masa at kakampi ng api tungo sa isang lipunang palaban at may responsabilidad.
Kaya palaging tangkilikin ang babasahing parehas at walang kinikilingan sa paghahatid ng balita dahil ang sinusulat nito ay sa kapakanan ng taong bayan.
Padayon Romblon Today...ituloy mo ang pagsulat sa kasaysayan.