Isang Milyong Piso ang pinagkaloob kamakailan ni Congressman Totoy Ylagan para sa proyektong pagpapatayo ng planta ng niyog sa Odiongan, Romblon mula sa kanyang Priority Development Fund (PDAF).
Napag-alaman ng RT na ang probinsiya ng Romblon ang napili ng Department of Science and Technology (DOST) bilang lugar nang naturang proyekto sa paggawa ng diesel fuel mula sa langis ng niyog.
Ayon sa pag-aaral ng naturang ahensiya, 720,000 bunga ng niyog ang inaani sa Romblon araw-araw. halos 50% ay nagmumula sa Tablas. Sa loob naman ng naka-raang anim na taon, ang naging ani ng niyog sa lalawigan ay umaabot ng 65.785 tonelada metrika taun-taon.
Sa kasalukuyan, ay inu-umpisahan na ang pagptatayo ng mga buying stations sa buong probinsiya upang mapadali para sa magsasaka ang magbenta ng kanilang produkto.
"Huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa kasalukuyang kaganapan sa ating industriya sa niyog. Makipagtulungan tayo sa proyektong ito na isasagawa ng DOST upang magtagumpay tayo. Tayong mga Romblomanon ang dapat makikinabang kung maitatayo ang plantang ito at ang coco-diesel fuel ang gagamiting panggatong at pagpapatakbo ng ating mga sasakyang pang-lupa at pandagat, maliban pa sa power plant ng ating elektrisidad", ayon pa kay Ylagan.