"Matagal na panahon na naming binabalak na mangutang sa SSS pero bigo kami dahil "di hinuhulugan ng tama ang aming mga SSS contributions", ito ang hinaing ng mga manggagawa sa pier ng Romblon, Romblon.
Napag-alaman pa ng Romblon Today nang makapananyam ang isang nagngangalang "Pedro" na matagal na diumano silang nagtratrabaho bilang mga kargador sa nabanggit na pantalan subalit hindi maayos ang paghuhulog ng management ng Arrastre Services na kanilang pinagtratrabahuan sa nabanggit na bayan.
Dahil sa kawalan ng kongretong tulong mula sa lokal na pamahalaan, naiisip na ng maraming miyembro ng RIASSCO ang magtayo ng sariling unyon upang lumakas ang kanilang hanay at pusisyon upang upang magkaroon ng collective bargaining agreement (CBA) sa management.
Binabalak na lamang ng mga naturang manggagawa na idulog ang nabanggit na problema sa SSS management sa Maynila at Department of Labor upang maaksiyunan na ang matagal na nilang suliranin sa palagay nila ay hindi makatwiran na pagrato sa kanilang mga malilit na mga manggagawa dahil naniniwala silang ito ay isang malinaw na kaso ng unfair labor practice.
May nagsabi sa kanila na malaki diumano ang pananagutan ng management ng Arrastre dahil matagal nang panahon na ang kanilang sahod ay kinakaltasan para sa kanliang SSS contributions subalit ito ay hindi nakakarating sa nasabing ahensiya.