Natuwa ako sa inukol na espasyo ng Romblon Today (Nov-Dec. 2002 issue) sa balitang pagbebenta ng munisipyo ng Romblon sa lupang binili nito noong 1999 para sana gawing tambakan ng basurahan. Sa ngayon, wala paring bumibili sa nasabing lupa na matatagpuan sa Barangay Agtongo. Matagal-tagal na ring naka-anunsyo sa Romblon Cable local channel na ipinagbibili na nga ang lupang ito na tinagurian ng kasalukuyang sanguniang bayan na isang "white elephant". Walang silbi, kumbaga. Kaya ang tanong, bakit ito binili noon? Ang halagang P700,000.00 ay hindi biro para sa isang bayan na hindi pa lumalagpas sa P3 milyon ang taunang koleksyon na lokal na buwis.
Pero hind ako natuwa sa pagbili nito noong taong 1999 . Malinaw sa lahat na hindi pabor ang mga residente ng Agtongo sa planong basurahan. Pero kung gaano kalakas ang pagkontra ng mga residente sa proyektong landfill ay ganoon din naman kabilis ang bilihan. Kasingbilis ng kidlat ang bayaran. At kung paniniwalaan natin ang "expose" noon ni dating Konsehal Vicente Montero, kasinglakas din ang halakhak ng isang opisyal na sumunggab umano ng "kickback" mula sa bilihan. Laughing all the way to the bank, sabi nila. Oo nga pala, dalawa-dalawa pa ang pinirmahang deed of sale para dito. May pangatlo pa nga sana kaya lang ay nakulitan na ang mga nagbenta kaya't hindi na natuloy ang pirmahan. Sa muli, bakit dalawa-dalawa pa ang deed of sale para sa isang transakyon? Di ba may legal advice na noon si Provincial Attorney Montesa na valid and binding ang unang deed of sale?
Name names! Hamon kay Konsehal Montero noon ng ilan niyang kasamahan .Pangalanan mo 'ika kung sino ang damuhong iyan na nangumisyon at kumita ng limpak-limpak na salapi mula sa transaksiyon. Hindi ito pinatulan ng masipag na konsehal. Tapos ang estorya. Tapos na nga ba? Umpisa pa lang iyon kung tutuusin dahil ang "expose" ni Konsehal Montero ay isang malaking isyu na apektado ang interes ng publiko. At hangga't hindi nahuhubaran ng maskara ang tila-lobo ngunit nag-aastang tupa na "commissioner" na ito ay hindi maalis and suspetsa ng taumbayan sa kolektibong imahe ng sangguniang bayan nnon.
Ito ang mga katanungang hindi marahil masasagot ng mga may kaugnayan sa nasabing transaksiyon dahil sa diskarteng iwas- pusoy. Bakit minadali ng Komite ng Kalusugan ang rekomendasyonng bilhin ang lupa as Agtongo sa halip na magsagawa ng karagdagang pag-aaral at kunsultasyon dahil nga sa maigting na pagkontra ng mga residente doon? Ang pag-apruba sa resolusyon na nagbigay-kapangyarihan sa alkalde na pumirma sa deed of sale ay sinagawa sa loob ng isang session lamang! Sa loob lamang nang wala pang dalawang oras! Nagkaroon ba ng formal offer sa may-ari ang pamahalaang lokal ng Romblon na bihin ang nasabing lupa? At sa presyo bang nais ng munisipyo at hindi ng may-ari? Tutal kung hindi naman magkasundo ang buyer at landowner ay may paraan ang batas diyan. Sino ba ang negosyador o negosyador ng munisipyo na humarap at kumausap sa may-ari noon? May record o documentation ba ang kanilang pag-uusap? Kung meron, saan? Kung wala, bakit? Importante ang mga puntong ito dahil dito natin malalaman kung ang presyong pinagkasuduan ay lutong-Macao o hindi! Alam ba ninyo na ang fair marlet value ng lupang iyan bago binili noong 1999 ay wala pa ngang P10.00 bawat metro kuwadrado? Sino naman kayang may-ari ang tatangging magbenta ng kanyang lupa kung ang alok na presyo ay lubhang malaki sa kanyang sariling presyo?! Kung sa istorya sa kanto, hay nakapukoy hayo! Pero walang kasalanan diyan ang sinumang may-ari na magbenta sa ganyang presyuhan' ang impakto diyan ay ang ganid na"commissioner" na naghanda ang lutong-Macao na pera ng bayan ang ipinambayad. Ang ganitong kawalang-hiyaan at kasibaan ay may kaparasuhan sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Mas mabaho pa sa basura na itatambak sana sa Barangay Agtongo ang nangangamoy at kasulasulasok na lutong-Macao na ito.
Kahit hindi man pinangalalan ni Konsehal Montero noon kung sino ang pulitikong sangkot sa nasabing katiwalian, saludo pa rin ang kolum na ito dahil pinindigan niya ang kanyang prisipyo.