"Bakit maaga pa ay parang may sumisira na kay Engr. Ervin Yap Mateo?"
Ito ang labis na ipinagtataka ng marami niyang taga-hanga at supporters ngayon kaugnay sa napabalitang "massive withdrawals" sa puhunan ng kanyang mga business partners sa kanilang mga ibat-ibang negosyo na kasalukuyan ay kinakaharap na problema ng kanyang opisina. Kamakailan ay naging kontrobersyal ito sa ibat-ibang pahayagan, radyo at telebisyon.
Si Mateo, tubong Guinbirayan, Sta. Fe, Romblon ay maagang nakilala sa ating lalawigan bilang negosyante at sumusuporta sa malayang pamamahayag. Matapos maging adviser noon ng Romblon Today, naglimbag din siya ng isa pang pahayagan, ang Romblon Text, bilang publisher.
Si Mateo rin ang pinuno ng MMG dating Mateo Mangement Group Holdings Co.) na nagpakita din ng interes mamuhunan sa ating lalawigan at nakapagpatayo kaagad ng Mateo Plaza sa Looc, Romblon, namili na rin ng mga beach resorts at mga lupain sa ating probinsiya upang pagtayuan ng ibat-ibang negosyo, nag-sponsor ng Miss Romblon Beauty Pageants (noong Abril, 2002) at nagbigay ng P50,000.00 bilang kontribusyon sa Romblon Tourism brochure for investment and tourism promotional materials at nakapag-imbita na rin sa mga sikat na mga artista tulad ni Eddie Garcia at Lito Lapid na nakapag-shooting ng mga pelikula sa Tablas Island. Bukod pa sa may mga negosyo silang seminto, gas, eroplano, barko at kotse, financial services, construction at iba pa, si Mateo na tinatawag nilang "Captain" sa kasalukuyan ay maraming mga scholars sa Romblon State College na mula sa mahihirap na pamilya.
Noong Abril 18, 2002, napag-alaman ng RT na ang Securities and Exchange Commission (SEC) ay nagbaba ng cease-and-desist order sa Mateo Management Group (MMG) na kung saan si Mateo ang presidente upang patigilin ang nabanggit na kumpanya (to cease-and-desist from openly soliciting and issuing securities). Ayon sa SEC, ang naturang gawain ay labag sa Securities Regulation Code partikular sa Section 8.1 na nakasaad:
Securities shall not be sold or offered for sale or distribution within the Philippines without a registration statement duly filed and approved by the Commission. Prior to such sale, information on the securuities, in such form and substance as the Commission may prescibe, shall be made available to each prospective buyer".
Sa kanilang sagot ay sinabi ni Mateo na legal ang kanilang pre-need plan dahil "naka-affiliate" ito sa Coco-plans, Inc. Noong October 2002 issue ng Romblon Today ay nagpalabas ng ads (whole page) at sa bahagi nito ay nakasulat na ang Mateo Pre-Need Plans ay isang authorized External Sales Agency ng COCOPLANS, INC na siyang awtorisado sa pension at educational plans kaya't walang nilabag ang MMG.
"Kahina-hinala ang mga atake kay MAteo na pinalaki lamang ng ilang media outlets. May palagay kami na ang may pakana ng lahat ng mga paninirang ito sa likod, ay mga desperadong pulitiko!" Ito ang sinabi ng isang empleyado ng MMG na ayaw na pabanggitin ang kanyang pangalan.
Ang karamihan sa kanilang mga investors ay mga taga Cavite, Ayala Alabang, Bacolod, Baguio, Batangas, Bulacan, Cagayan de Oro, Cainta Rizal, Dagupan, Pampanga, Davao, Iloilo, Las Pinas at Albay na mayroon ding mga international investors mula San Diego, California, USA, Hongkong, at Brunei. Ang karamihan sa kanila ay nag-panic withdrawal at sabay-sabay na kinuha ang kanilang mga investments.
Ayon naman sa balita, ito ay bahagi din ng sabotahe kay Mateo ng ilan niyang mga kasamahan ng gusto agad yumaman. Milyon-milyonng halaga diumano ng salapi ang nakuha ng mga ito sa maraming blankong tseke(blank checks) na kanyang ipinagkatiwala matapos niyang permahan. Si Mateo kasi ay kilalang mabait at mapagbigay na tao.
Bukod sa motibong pananabotahe, may usap-usapan din na isang grupo sa Looc, Romblon na malapit sa mataas na opisyal ng Romblon, ang nagplano at utak sa lahat ng problemang kinakaharap ngayon ni Mateo upang maaga pa lang ay tapuson na ang kanyang ambisyon sa pulitika. "Nip Mateo in the bud," ito ang lumalabas na estratehiya ng nasabong grupo. Si Mateo ang itunuturing ngayon na mabigat na kalaban ng administrasyon sa taong 2004 sa matas na posisyon sa lalawigan.
Ang iba pang mga shareholderss ng MMG ay sina Evelyn Mateo, Galileo Saporsantos, Carmelita Galvez, Romeo Esteban, Brenda Baarde, Nenita Saporsantos, Tirso Petil, Emma Sacro at Estela Ledesma. Ang ilan dito ay nagtaksil kay Mateo ayon sa mapagkatiwalaang balita
Ang MMG ay naging bantog dahil sa kanilang mga negosyo na mga gasolinahan, real estate development (Mateo Realty), mga malalaking restaurants (Spectrum-zone), sementeryo (St. Matthew's Memorial Garden at Calatagan Memorial Cemetery), mga otel (MMG Hotel), appliance store (Compact Appliance Store), rural banks (Rural Bank sa Sta. Fe at Lipa), skin care services at beauty consultancy (Lady-E Salon at Syarikat Roslinah), pawnshops (MG Pawnshop), cinema complex at department store (MMG Mall), at golf course a waterfront facilities (Iloilo Waterfront & Yatch Club). Unti-unti na sanang pinaniniwalaan si Mateo dahil maraming Romblomanaon na nang natutulungan sa trabaho.
Sa ipinalabas na pahayag ni Mateo noong Lunes, Dec. 9, 2002 ay pinabulaanan niyang hindi siya nagtatago at siya ay narito pa sa ating bansa. Hindi rin niya diumano pinaliitan ang kanyang pangalan at walang balak iwanan ang mga business partners nila gaya ng mga napaulat sa mga radio, diaryo at telebisyon.
"Nahahaluan lang naman ng pamumulitika at paninira ito, pero syempre ang bida ay nagpapa-bugbog muna sa umpisa, abangan nila si boss", pahayag ni Jun Bernanrdo ng Romblon Text sa isang panayam ng RT sa Odiongan.
Tuloy ang MMG ni Mateo
NIlinaw din ni Mateo na hindi siya nagtatago o nagbabalak takasan ang kanyang mga business partners.
Sa interview ni Pete Laude ng Philippine Star newspaper, sinabi ni Mateo na siya pa rin ang humahawak ng mga negosyo niya tulad ng gasolina, real estate, paggawaan ng pelikula at sasakyang pamhimpapawid maliban sa iba pang negosyo tulad ng Text Tonight na hawak na ngayon ni Melchor Baarde, ang dati niyang kanang kamay na diumanao ay pinaghihinalaang pasimuno. Subalit si Mateo ay naniniwala na marami pa siyang matapat na mga tauhan tulad ni Jun Bernardo na hindi hihiwalay sa kanya at handang itaya ang kanyang buhay at dangal. At marami paring mga bagong business partners ang nakahandang mag-invest sa MMG, bukod sa mga current business partners na patuloy na naniniwala sa kakayahan at katapatan ni Mateo bilang kanilang pinun9.
Si Mateo na hindi siya nagtalaga ng sino man na pumirma sa mga negosyo ng MMG maliban sa kanyang sarili. Ayon sa kanya (Mateo), ang claimants na umaabot sa 7,500 lihitimong business partners ay hindi dapat mag-alala dahil inaayos na nila ang kanilang mga claims. Maraming fake documents diumano ang umabot sa 25,000 na ang nagtangkang lumapit at pilit nanggugulo sa MMG para sirain ang kumpanya.
Sa kasalukuyan ang MMG ay naglagay na rin ng 24 hours assistance sa mga reklamo para maaksyunan at masolusyonan ang kanilang problema.
Black Propaganda Laban kay Mateo
Usap-usapan sa Romblon, Romblon na babagsak na raw ang negosyo ng MMG. Ilang mga tao na pinaghihinalaang taga-capitolyo ang nakitang namamamhagi ng mga kopya ng diaryo sa kalye na kung saan ay may nakasulat laban kay Mateo at nagsabi "tumakas na daw ito dala ang pera ng mga investors." Subalit, pinabulaanan ito ni Mateo mismo at ayon sa isang tawag sa telepono kina Dr. Joey Cabrera, na naipaabot sa RT ng butihing opposition board member, na siya ay nandito pa sa ating bansa at hindi umaalis. Ayon pa kay Mateo, kilala at buking na nila kung sino ang mga nasa likod ng paninirang ito.
Samantala, ay pinayuhan naman ni Dr. Cabrera ang huli na huwag manghina ang loob at matakot sa mga kalaban. Malakas ang suporta sa kanya ng masang Romblomanon na naghahangad ng pagbabago.
"Gusto kitang makasama sa 2004 Doc at tutulungan ko ang lahat ng mga oposisyon ng gustong kumandidato sa darating nating laban." Ito ang sinabi ni Mateo sa nabanggit na opposiyon leader.
"Tulunga po natin na ipagdasal si Ervin Mateo na sana ay maaga nilang maayos ang problema dahil pansamantala lamang ito na maaring kagagawan ng mga taong ayaw ng umalis sa kapangyarihan. Masyadong naapi ang tao!" patapos na pahayag ni Dr. Cabrera. (With special reports from Harem Fajutag)